Nasa pito pa lang mula sa 49 na sundalong nasawi sa pagbagsak ng C-130 cargo plane sa Patikul, Sulu, ang natukoy sa kasalukuyan.
Sa isang panayam, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Cirilito Sobejana na kailangan ay masusing suriin ng mga imbestigador ang mga bangkay kung saan ang iba ay sunog na kaya naantala ang pagtukoy sa identity ng mga biktima.
Ang iba naman aniya sa mga namatay ay talagang hindi na halos makilala dahil sa pagkasunog ng kanilang katawan.
Gayunman, sinabi ng AFP chief na maaari pa rin namang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga military personnel sa pamamagitan ng kanilang “DNA” at dental records.
Bukod sa 49 military personnel, tatlong indibidwal ang nasawi sa crash site nang lumampas sa Sulu runway ang C-130 Hercules nitong unang Linggo ng Hulyo.
















