-- Advertisements --
KAPA Fishing boat

GENERAL SANTOS CITY – Naibalik na sa may-ari ang pitong mother boat na pilit sinakyan ng mga armadong lalaki habang nakadaong sa lower Puting Bato, Calumpang sa General Santos City.

Ayon kay Police Lt. Col. Harry Domingo, Comanding Officer ng 1202 Maritime Police Station, nagreklamo sa kanilang tanggapan ang isang Tony Kabugayan, Operation Manager ng King Ocean Fishing at nagsabi na nakita na sa isang private wharf ang nasabing mga fishing vessel.

Dagdag ni Domingo, wala na ang nasabing mga armado subalit nandoon ang pitong tripulante na sakay sa fishing vessel ng hindi kilalang mga armado.

Doon nalaman na ang pitong mother boat ang dating pag-aari ng Kabus Padatuon (KAPA) na binili ng King Ocean at nakumpirma ito sa papeles na hawak ngayon ng may-ari.

Posible umanong gagamiting ebedensiya laban sa KAPA ang mga dokumento habang may kaso ang investment scam sa korte.

Matatandaang ipinagyabang noon ng KAPA founder na si Pastor Joel Apolinario na pagmamay-ari nila ang fishing vessel na nabili sa halagang P50 million.