CAUAYAN CITY – Ginagamot na sa ospital ang pitong miyembro ng pamilyang nagtungo sa isang family picnic sa Luna, Isabela, matapos umanong makaranas ng food poisoning dahil sa kinain nilang puto flan.

Kabilang sa mga dinala sa ospital sina Aletha Agonoy, Hana Mae Corpuz, Erica Corpuz, Samantha Luis Corpuz, John Uno Supnet, Analeign Corpuz, at John Lucio Corpuz, pawang residente ng Barangay Labinab, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Flordeliza Corpuz, magulang nina Analeign at John Lucio, sinabi niya na nagtungo sila sa Barangay Harana sa bayan ng Luna para magpiknik at magkaroon ng family bonding.

Nag-order umano sila ng iba’t-ibang pagkain kabilang na ang puto na may leche flan ngunit matapos ang kanilang pananghalian ay unang nakaranas ng pananakit ng tiyan at pagsusuka ang kanyang bunso.

Makalipas ang ilang minuto ay sumunod ang kanyang isa pang anak.

Karamihan sa pangunahing kinain ng kanyang dalawang anak niya ay ang puto flan.

Sina Aletha Agonoy at Analeign Corpuz ang napuruhan ng matinding pananakit ng tiyan.