Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ang pitong indibidwal dahil sa hindi otorisadong pagbebenta ng mga gamot na ipinamamahagi ng pamahalaan para sa mga indigent patients.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Officer-In-Charge Eric Distor, naaresto ang mga suspek sa operasyon na isinagawa ng NBI-Special Task Force (NBI-STF).
Lumalabas na hindi sila otorisadong magbenta ng government medicines na para sana sa mga pasyenteng nasa ilalim ng Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP).
Ang mga suspek ay sina Aliza Macalambos, Jen Tubongbanua, Clarita Selga, Maria Fe Nisnisan Quimno, Emilda Besmonte, Norhata Batua at Virginia dela Cruz.
Sinabi ni Distor na nag-ugat ang isinagawang operasyon sa isang sulat mula sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) na imbestigahan ang hindi umano otorisadong pagbebenta ng mga gamot na para sa mga mahihirap na pasyente sa ilalim ng MAIP ng Department of Health (DoH).
Ibinunyag ng NKTI na bilang implementing agency ng MAIP program, mandato nilang protektahan ang government resources at property laban sa mga mapagsamantalang mga indibidwal.
Dahil dito, agad daw inatasan ni Distor ang NBI-STF para magsagawa ng imbestigasyon at bumalangkas ng counteraction measures laban sa lahat ng mga indibidwal na sangkot sa hindi otorisadong pagbebenta ng mga health products at medicines.
Nagsagawa muna ang NBI-STF ng surveillance at test-buy operation para makakuha ng ilang gamot na ginagamit ng mga pasyenteng mayroong kidney disease gaya ng Epoetin Alfa (Pronivel) at Renvela.
Naharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9711 o mas kilalang “FDA Act of 2009” at iba pang mga kaso.
Kinumpirma naman ng NKTI na ilan sa mga gamot na na-recover ay bahagi ng inventory ng kanilang pharmacy na nagpapatunay sa kanilang alegasyon na ang libreng gamot na ibinibigay ng pamahalaan para sa mga mahihirap ay ibinebenta sa labas ng transplant institute.
Magsasagawa naman ng mas malalimang imbestigasyon ang NBI-STF para tuntunin pa ang iba pang mga personalidad na responsable sa pagbebenta ng mga gamot na para sa mga indigent patients.