-- Advertisements --

Nakatakda na ring ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang pitong illegal aliens na nahuling iligal na nagtatrabaho sa Pampanga.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ini-report daw sa kanya ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan ang mga suspek na kinabibilangan ng limang Korean national at dalawang Vietnamese.

Nahuli ang mga itong nagtatrabaho sa isang construction site sa Clark Sharp Hills, Angeles City, Pampanga nang walang kaukulang dokumento.

Huli sa akto ang mga suspek na nagtatrabaho bilang laborers sa construction site sa naturang lugar.

Nahaharap ang mga banyaga sa immigration cases dahil sa paglabag sa mga kondisyon sa pananatili ng mga ito dito sa bansa dahil wala silang kaukulang permits at dahil na rin sa paglabag sa Immigration Act of 1940.

Ang mga suspek ay nakakulong na sa BI Detention Center in Bicutan, Taguig City habang isinasagawa ang kanilang deportation proceedings.