MANILA – Aabot na sa higit 80,000 ang bilang ng mga indibidwal na nababakunahan laban sa COVID-19 sa loob ng isang araw kada linggo.
Ito ang inamin ng Department of Health matapos sabihin ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez na nasa higit 83,000 na ang “7-day moving average” ng COVID-19 vaccination.
Paliwanag ng ahensya, habang dumadating ang mga supply ng COVID-19 vaccines ay patuloy na tumataas ang numero ng mga nakakatanggap ng bakuna kada araw.
“Kapag tiningnan natin yung pace for vaccination, makikita natin talaga na through the weeks and months tumataas yung 7-day moving average natin na nababakunahan,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“Yung pace ng pagbabakuna ay highly dependent sa pagdating ng mga supply sa ating bansa.”
Target daw ng pamahalaan na paakyatin pa sa higit 100,000 indibidwal ang matuturukan ng COVID-19 vaccines kada araw.
Sa ngayon higit 7-milyong doses ng bakuna na ang hawak ng Pilipinas, pero higit 2.5-milyon pa lang ang naituturok sa populasyon.
“We are not stacking these vaccines… ang ating mga bakuna mayroong nire-reserve na second dose kaya hindi lahat agad, kahit na-distribute na, ay naibibigay ng in totality,” paliwanag ni Vergeire.
Ayon sa opisyal, patuloy na pinapalawak ng pamahalaan ang kapasidad nito sa pagbabakuna, para maabot ang minimithing “herd immunity” ng bansa laban sa COVID-19.
“Our vaccinations sites have expanded already, kung dating less than 1,000 nung nag-umpisa tayo pero ngayon nakikita natin na ganoon na karami yung ating vaccination sites and this is part of our speeding and scaling up of our vaccination program.”