-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Sa layuning maging maayos ang pamamahagi ng AICS Educational Assistance, nagpasya ang Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad o DSWD Region 2 na bigyan ng schedule ang bawat Local Government Unit (LGU) sa gaganaping pay-out ngayong Sabado, August 27.

Pitong bayan ang pupuntahan ng DSWD Region 2 para mag-assess at mamigay ng AICS Educational Assistance sa mga benepisaryong nakatanggap ng kumpirmasyon sa pamamagitan ng text o tawag mula sa ahensya.

Kinabibilangan ito ng mga bayan ng Basco at Mahatao sa Batanes; Echague, Ramon, at Santiago City sa Isabela; Diadi sa Nueva Vizcaya; at Nagtipunan sa Quirino.

Samantala, mag-uumpisa ang AICS Educational Assistance pay-out sa lalawigan ng Cagayan sa September 3. Isinagawa ito upang mabigyan ng prayoridad ang pagrecover ng mga bayan na lubos na sinalanta ng bagyong Florita.

Abangan ang schedule ng iba pang mga LGUs sa mga susunod na araw.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni information officer Michael Gaspar ng DSWD region 2 na sa pamamahagi ng educational assistance, tanging ang mga nakapag-sumite ng kanilang mga requirements noong August 20 at mga nakapag-online registration ang tatanggapin ng ahensya. Hindi sila tatanggap ng mga walk-in clients.

Maghintay ng text o tawag ng DSWD Region 2 kung saan at kailan isasagawa ang pay-out sa inyong munisipalidad.

Kada Sabado ang payout at ang mga LGU ay tutulong lamang sa asssessment habang ang DSWD ang pangunahin pa ring mangangasiwa upang maiwasan na mahaluan ng pulitika.

Inihayag pa ng DSWD Region 2 na ang pondo ng Educational Assistance na nakalaan sa bawat lokal na pamahalaan ay limitado lamang kaya binibigyan ng prioridad na matulungan ang mga tinuturing na students-in-crisis.