KORONADAL CITY – Umabot na sa tatlo ang naitalang patay sa pagkahulog ng pampasaherong jeep sa Kalamansig, Sultan Kudarat.
Ito ang kinumpirma ni Police Major Patrick Urbano Elmaon, hepe ng Kalamansig PNP, sa naging panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Elmaon, dalawa ang unang dead on the spot na kinilalang sina Jamil Ampatuan Guiampaca, 20-anyos, at Naif Pagadatan Etto, 7, na kapwa residente ng Barangay Poblacion, Cotabato City; habang ang isa pang biktima na namatay sa Cotabato City Medical Center ay si Jeson Tanyamo Manisi, 16.
Samantala, nakalabas na ng ospital ang 11 nasugatan.
Ito ay mga nagngangalang Nasrudin Usop Rajamuda, 17; Jehan Salik Kusain, 17; Henry Sandang Abdul, 15; Jojo Guiampaca Gandawali, 19; Olsen Balbaran; Wahida Usop Rajamuda; Alan Guiampaca, 41; Datumanot Usop Rajamuda, 17; Gina Gandawali Manise, 14; Faisal Guiampaca Esmael, at Alicia Gandawali, 18-anyos.
Sinabi ni Elmaon na pawang magkakamag-anak at estudyante ang mga biktima na papunta sana sa Barangay Paril lalo na sa Balut Island nang mangyari ang aksidente.
Sa lumabas na imbestigasyon ng Kalamansig-Philippine National Police (PNP), nawalan umano ng kontrol sa preno ang driver na si Sammy Sedik Alimao sa bahagi ng Sitio Babangcao kung saan pakurba at matarik ang daan.
Sinasabing overloaded din ang sasakyan.
Sa ngayon ay nakakulong na sa Kalamansig-PNP ang driver ng naturang jeep.