-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Patay ang isang Filipino-American senior citizen sa Highland Park, California na kinilalang si Steven Reyes, 69-anyos, matapos siyang hampasin sa ulo ng mga kabataang nagnakaw ng isang kahon ng beer sa tindahang kanyang pinagtatrabahuan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International News Correspondent Isidro Madamba Jr., inihayag nito na batay sa imbestigasyon ng Los Angeles Police Department, ay lumalabas na sinugod ng isa sa mga magnanakaw ang biktima, saka ito pinaghahampas ng electric scooter sa kanyang ulo na nagdulot sa kanyang pagkamatay.

Dagdag pa ni Madamba na matapos ang nangyaring panghahampas sa biktima ay iniwan namn ito ng mga suspek sa kalsada bago sila tumakas. Bagamat naitakbo pa si Reyes sa ospital ay binawian din ito ng buhay dahil sa mga sugat na kanyang natamo.

Binigyang-diin ni Madamba na madalas ay walang nakabantay sa mga maliliit na convenience store sa Estados Ubidos o kung mayroon man ay mag-isa lang nito o nakadepende lamang sila sa mga CCTV camera sa kanilang mga establisyimento. Bagamat nakunan sa CCTV camera ng convenience store ang pagnanakaw ng mga kabataan sa isang kahon ng beer, mag-isa lamang ang biktima na humabol sa mga suspek.

Sa kanyang pagtataya, ang mga suspek na gumawa ng karumal-dumal na krimen ay nasa edad ng 18-pababa, o mas bata ba sa edad na 16. Habang tinataya namang nasa $18-$20/pc ang halaga ng mga beer na ninakaw. Nakikita namang motibo aniya sa nangyaring krimen ang sariling interes ng mga kabataan na maaaring nalulong sa bisyo ng pag-inom.

Sa ngayon ay hawak na ng Los Angeles Police Department ang kaso kasama ang security camera footage na gagamitin nila sa pagkilala ng apat na suspek. Nakikipagtulungan din umano ang mga saksi sa pangyayari sa pagresolba sa naturang krimen.

Kaugnay nito ay ikinalulungkot naman ni Madamba na hanggang ngayon ay under investigation pa lamang ang naturang kaso.

Matatandaan na una nang nanawagan ang Konsulado ng Pilipinas sa New York na ma-ingat at manatiling mapagbantay at mapagmatyag lalo na sa umiiral na krimen at karahasan laban sa mga Asyano sa Amerika.