BOMBO DAGUPAN – “Walang pinipiling edad ang pag-aaral,” ito ang naging pahayag ni Nanay Felicitas Viray, isang 68-anyos, may pamilya, at residente ng Tobor, Malasiqui, Pangasinan sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa matagumpay nitong pagtatapos sa sekondarya.
Dagdag pa ni Viray na hindi niya inaasahan na makakapasok o makakapagtapos pa ito sa sekondarya dahil pinauna munang makapagtapos ng pag-aaral ang kanyang nakatatandang kapatid na lalaki.
Saad pa niya na nagtungo siya ng Maynila upang magbakasakali na makapag-aral doon, subalit ay hindi na niya nadala ang kanyang mga papeles kaya’t minabuti niya na mamasukan na lamang sa cosmetology.
Binigyang-diin naman ni Viray na lubos ang pasasalamat nito sa Panginoon at sa mga taong tumulong sa kanya ang naging tagumpay nito sa pagkamit niya sa kanyang buhay na makapagtapos ng sekondarya.
Sinabi pa niya na isa sa kanyang dahilan ng pagsusumikap na makapagtapos ng pag-aaral ay upang maengganyo rin ang kanyang mga apo na magpursigi sa kanilang pag-aaral.
Dagdag pa nito na kung mabibigyan siya ng pagkakataong magpatuloy pa sa pag-aaral ay tatanggapin niya ito ng malugod.