Pinayagan ng Department of Budget and Management (DBM) ang Department of Agrarian Reform (DAR) na mag-hire ng 64 na abogado na may basic salary na P82,000 kada buwan.
Ito ay sa layuning makahikayat ng karagdagan pang mga abogado na maglingkod sa naturang kagawaran sa pagresolba ng mga isyung legal may kaugnayan sa land dispute bilang pabor sa mga magsasaka.
Inisyu ni DAR Secretary Conrado Estrella III ang naturang pahayag kasunod na rin ng pagkakaresolba ng tatlong dekada ng isyu sa land ownership sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac na nagbibigay diin sa pangangailangan para sa mas marami pang abogado sa naturang ahensiya upang maresolba ang mga nakabinbin at matagal ng mga isyu sa land dispute.
Inamin ng DAR official na kulang sila sa mga abogado kayat hindi aniya makausad ang ilang mga kaso.
Pinasalamatan naman ng opisyal ang Department of Budget and Management sa pagbibigay sa kanila ng oportunidad na magkaroon ng karagdagang abogado.
Nanawagan din si Estrella para sa mga abogado na nais na punuan ang mga posisyon na welcome silang magtrabaho sa kagawaran hangga’t mayroon silang parehong values katulad ng agrarian reform department.
Matapos nga ang pagresolba sa isyu ng Hacienda Tinang, sinabi ni Estrella na maaaring magsimula na itong mamigay ng mga titulo sa mga magsasaka sa loob ng dalawang linggo.
Sinabi ng DAR official na ang kanilang desisyon sa Hacienda Tinang ay pinal at executory na ngayon dahil walang sinuman mula sa mga stakeholder ang umapela sa desisyon ng agrarian reform department.
Sinabi ni Estrella na mamamahagi ang ahensya ng 450 titulo ng lupa para sa kabuuang 450 pamilya.
Aniya, ang kabuuang lupain na ipapamahagi ng DAR ay may kabuuang 200 ektarya.