CAUAYAN CITY – Magkakaroon ng panibagong tungkulin ang mga nurses ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Maynila para sa paglaban ng bansa kontra sa COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Supt. Annalee Carbajal Atienza, PIO chief ng BFP national headquarters, sinabi niya na ngayong araw ay nagkaroon ng send off Ceremony para sa 63 firefighter-nurses na maide-deploy sa 12 ospital sa Metro Manila.
nitong alas-9:00 ng umaga ay isinagawa ang programa sa national headquarters ng BFP sa Quezon City para sa deployment ng mga nasabing firefighter-nurses.
Ayon kay Fire Supt. Atienza, tutulong ang mga firefighter-nurses sa mga ospital para sa paglaban ng pamahalaan sa COVID-19.
Karamihan sa kanila ay galing sa NCR, Region 3 at sa national headquarters ng BFP.
Makakatulong ang mga nurses sa pag-assist sa mga medical workers ng COVID referral hospitals na marami ang COVID-19 patients.
Ayon kay Fire Supt. Atienza, sakaling kailangan muli ng pamahalaan ang karagdagang personnel ng BFP ay nakahanda silang umalalay para sa ikabubuti ng paglaban ng bansa sa pandemya.
Pinaalalahanan naman niya ang mga naturang nurses na mag-ingat sa kanilang bagong tungkulin at iwasan ang pakikihalubilo sa maraming tao upang makaiwas sa virus.