-- Advertisements --

Pumalo na sa 61 katao ang napaulat na nasawi sa Maguindanao habang nasa 17 indibdiwal naman ang nawawala kasunod ng pananalasa ng bagyong Paeng.

Ito ang kinumpirma ni Maguindano Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu ngayong araw.

Sa briefing kasama ang Pangulo, iniulat ng gobernador na nagsasagawa pa rin ng search operations ang lokal na pamahalaan para sa mga nawawalang indibidwal kasunod ng mga naranasang landslide sa lugar.

Ayon sa opisyal, apektado ng landslide ang mga lugar sa Barangay Kusiong sa Datu Odin Sinsuat; Barangays Romonggaob at Looy sa South Upi; at Barangays Maagabo Bayanga Sur Norte at Kabugaw Sapad sa Matanog.

Ibinahagi din ng local executive na nasa 30 munisipalidad at 370 barangay pa rin ang apektado ng nagdaang bagyo kung saan nasa mahigit 120,000 pamilya o mahigit 600,000 indibdiwal ang nadisplaced.

May 10 tulay din ang nasira sa naturang lugar kabilang dito ang Ledepan Bridge, Kurintem Bridge, DBS Bridge, Sarakan Street, Matengan Steel Bridge, Darapan Steel Bridge, Lower Magulat Kiga, Upper Magutay Rempes, Labu-Labu Bridge, at Nituan Bridge.

Bunsod naman ng nasirang Labu-Labu Bridge, inamin ng gobernador ang kinakaharap na hamon ngayon sa isinasagawang relief efforts sa Cotabato dahil hindi makadaan ang medium to heavy vehicles sa naturang tulay kung saan tumatagal sa anim na oras mula sa normal na isa’t kalahating oras lamang na biyahe patungo sa Cotabato.