Inaprubahan na ng World Bank ang $600 million loan para matulungan ang Pilipinas sa mapatatag at mapanatili ang financial sector mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Tinawag ang naturang programa na Philippines Second Financial Sector Reform Development Policy Financing na siyang susuporta sa 3 policy areas kabilang nga dito ang financial sector, micro, small and medium enterprises (MSMEs) o maliliit na negosyo at climate and disaster risk finance.
Ayon kay Country Director for the Philippines Ndiamé Diop, ang policy actions na magpapalakas pa sa katatagan ng financial sektor kabilang ang mga bangko at insurance companies ay makakatulong sa pamilyang Pilipino, mga negosyo at mamumuhunan na makayanan ang financial shocks at manatiling matatag sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang mga problema sa financial institutions ay maagap na matutukoy upang hindi na magkaroon ng malalang epekto sa ekonomiya.
Dagdag pa nito na ang financial inclusion ang key enabler para mapabilis ang pagpapababa ng antas ng kahirapan at sa pagrekober ng bansa mula sa pandemiya.
Ayon sa World Bank kasi tanging nasa 51% ng mga Pilipino edad 15 anyos pataas ang mayroong transaction account sa mga financial institution mas mababa kumpara sa 80% regional average sa East Asia at sa Pacific.