-- Advertisements --

Kinumpirma ni PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang anim na suspek sa naging pananambang sa chief of police ng Ampatuan Municipal Police at mga kasamahan nito.

Ito ay batay aniya sa naging identification ng pulisya ukol sa naturang kaso.

Ayon kay Azurin, ang lahat ng ito ay mayroong nang warrant of arrest at puspusan na rin aniya ang kanilang ginagawang pagtugis sa mga ito.

Sa kabilang banda naman ay umapela rin ang PNP chief sa MILF na tumulong ang mga ito sa paghuli sa naturang mga suspek.

Nanawagan siya sa mga ito na isuko na ang kanilang mga kasamahan na may warrant of arrest at makipag-negosasyon na aniya sa gobyerno bilang pagpapakita ng sinseridad sa Peace Process na kasunduan nito sa pamahalaan.

Aniya, sa ngayon ay nililikom na ng PNP ang lahat ng outstanding warrant of arrest ng MILF atsaka nila ito ibibigay sa kanilang liderato upang makita kung handa ba ang mga ito na makipagtulungan ang mga ito sa gobyerno.

Kung maaalala, una nang nagpahayag ng pagkadismaya si Azurin hinggil sa umano’y umiiral na patakaran sa BARMM na kinakailangan pang magpaalam ng pulisya sa tuwing papasok ang mga ito sa umano’y teritoryo ng MILF na kaniya rin kinuwestiyon.