-- Advertisements --

Anim ang nasawi sa isang insidente ng pamamaril sa isang pamilihan sa Bangkok, Thailand nitong Lunes, ayon sa pahayag ng Thai police. Kabilang sa mga namatay ang suspek na namaril at kalauna’y nagpakamatay.

Ayon kay Charin Gopatta, Deputy Commissioner ng Metropolitan Police Bureau, lima sa mga napatay ay mga security guard sa nasabing pamilihan.

Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ng pulisya na inaalam pa ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa krimen.

Ayon kay Sanong Saengmani, ng Bang Sue district, walang nasaktan o namatay na turista sa insidente.

Kilala ang nasabing pamilihan sa pagbebenta ng mga produktong agrikultural.

Ang turismo ay mahalagang bahagi ng ekonomiya ng Thailand, kaya’t ang mga ganitong insidente ay maaaring makaapekto sa kumpiyansa ng mga turista at mamumuhunan.

Sa video na ibinahagi ng mga awtoridad, makikita ang suspek na may suot na puting sumbrero at backpack habang naglalakad sa isang paradahan sa pamilihan.

Hindi bago sa Thailand ang mga kaso ng karahasang may kinalaman sa baril. Noong Oktubre 2023, isang 14-anyos ang namaril gamit ang improvised na baril sa isang mall, na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang tao. Noong nakaraang taon, isang dating pulis naman ang pumatay ng 36 katao, kabilang ang 22 bata, sa isang nursery sa silangang bahagi ng bansa.