Hindi bababa sa anim na manggagawa ang nasawi habang mahigit 12 iba pa ang nasugatan matapos magbanggaan ang isang pickup truck at isang mini dump truck na nauwi sa paghulog ng huli sa bangin sa mabundok na bahagi ng Brgy. Bolo, Labrador, Pangasinan noong Martes ng gabi.
Ayon sa ureport ng Pangasinan Police Provincial Office, naganap ang insidente dakong alas-6:15 ng gabi sa mountain trail road ng nasabing barangay.
Sinabi ni Police Captain John Ramos, hepe ng Labrador Municipal Police Station, na lima sa mga biktima ang idineklarang dead on arrival sa pagamutan. Kabilang sa mga nasawi ang dalawang residente ng Brgy. Bolo, Labrador na may edad 39 at 36, habang ang iba pang biktima ay nasa edad 47, 36, at 25.
Samantala, ang ikaanim na biktima ay binawian ng buhay nitong Miyerkules ng umaga habang ginagamot sa ospital.
Batay sa imbestigasyon, pawang mga manggagawa ng isang solar farm construction company ang mga nasawi at sakay ng mini dump truck nang mangyari ang aksidente.
Agad namang rumesponde ang mga operatiba ng Labrador Police at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang sagipin ang mga sugatan at maiahon ang mga ito mula sa bangin bago dalhin sa mga pagamutan.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, magkasunod na bumabagtas sa mountain trail road ang isang Nissan Navarra pickup truck na sinasakyan ng mga empleyado ng China Communication Services Philippines Corporation at isang Sinotruk mini dump truck na lulan naman ng mga manggagawa ng Human Construction Engineering Group.
Tinatayang nasa halos 40 katao ang sakay ng dalawang sasakyan.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nawalan ng kontrol ang driver ng mini dump truck habang binabagtas ang isang matarik na kurbada matapos umanong pumalya ang preno ng sasakyan. Dahil dito, bumangga ang truck sa kaliwang bahagi ng pickup truck bago tuluyang mahulog sa bangin sa gilid ng kalsada.
Hindi naman nagtamo ng malubhang pinsala ang driver ng pickup truck, ngunit isinailalim pa rin ito sa medical examination bilang bahagi ng imbestigasyon.
















