-- Advertisements --

Maaaring muling isailalim sa refresher course ang anim na mga pulis na sangkot sa umano’y maling pamamaraan ng pagresponde sa isang insidente ng holdapping sa bahagi ng lungsod ng Maynila.

Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo kasunod ng pagkakasibak sa puwesto nang dahil sa nasabing pangyayari.

Sa gitna ito ng nagpapatuloy na ginagawang imbestigasyon ngayon ng Philippine National Police upang alamin kung nagkaroon nga ba ng pagkakamali ang naturang mga rumespondeng pulis.

Sabi ni PCol. Fajardo, nakitaan kasi aniya ng pagkakamali ang mga pulis sa kanilang naging istilo ng pagpigil sa holdaper.

Batay kasi sa isang kumalat na video makikita na pinalibutan ng mga pulis ang holdaper na naiwan sa loob ng isang jeep sa bahagi ng Ramon Magsaysay Blvd. para mapababa ito gamit ang kanilang baton at anti-riot shield.

Pero kahit kasi anim na ang pulis na rumesponde sa nasabing insidente ay nagawa pa ring makatakbo at muntik nang makatakas ang suspek na kaluna’y nahuli naan agad matapos paputukn ng baril ng isa sa mga pulis dahilan kung bakit nagtamo ito ng tama ng bala sa kaniyang hita.

Paliwanag ni PCol. Fajardo, paglabag sa kanilang probisyon ang pagpapaputok n baril ng isa sa mga pulis sapagkat maaari lamang aniyang gumamit ng baril ang isang pulis kung kinakailangan nitong protektahan ang kaniyang sarili sa kasagsagan ng operasyon na kanilang isinasagawa, bagay na hindi nasunod batay sa naturang video.

Samantala, kaugnay nito ay pinagpapaliwanag na rin ng MPD ang mismong precinct commander ng mga pulis bilang bahagi ng kanilang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa nangyaring insidente.