Ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na ng Philippine National Police-Firearms Explosive Office (PNP-FEO) ang anim na buwan na gun amnesty.

Ito ay para sa mga gun owners na expired na ang mga lisensya at mga hindi rehistradong baril na itinuturing ng loose firearms.

Ayon kay PNP-FEO director, Pol. C/Supt. Valeriano De Leon, hinihintay na lamang nila ang approval ni PDGen. Oscar Albayalde para ipatupad ang programa.

Sa ilalim kasi ng bagong Firearms and Ammunition Law o ang Republic Act 10591, maaaring magpatupad ng amnesty pagkatapos ng anim na buwan na maaprubahan ang IRR (Implementing Rules and Regulations) nito.

Sinabi ni De Leon na gusto niyang ipatupad ito sa lalong madaling panahon ngunit hindi lang si Gen. Albayalde ang approving authority.

Sa database ng PNP-FEO, may 1.8 million na rehistradong baril ngunit 600,000 lamang ang nag-renew ng kanilang lisensya.

Nangangahulugan ito na nasa 1.2 million ang hindi nag-renew ng lisensya sa pagitan ng taong 2004 hanggang 2013.