-- Advertisements --


Hindi pa rin nakakababa sa 16 na quarantine ships na kasalukuyang nakadaong sa Manila Bay ang nasa 6,000 Filipino seafarers.

Sa isang panayam, sinabi ni Marlon Roño, chairman ng Magsaysay Maritime Corporation, dalawang buwan nang nakatengga sa mga quarantine ships ang libu-libong Filipino seafarers.

Hinihintay pa rin kasi aniya ng mga ito ang resulta ng kanilang COVID-19 test bago payagang makababa sa sinasakyang barko.

Ayon kay Roño, mahigit 20 barko ang nakadaong ngayon sa Manila Bay na nagsisilbong isolation facilities para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

Iginiit ni Roño na batid nila ang hirap ng ilang libong Filipino seafarers na dalawang buwan nang nasa kabina kaya nag-hire na aniya sila ng counselor para makipag-usap sa mga ito.

Kailangan aniya nilang gawin ito para mapangalagaan din hindi lamang ang physical kundi mental health ng mga OFWs.

Nauna nang sinabi ng gobyerno na 5,000 sa humigit kumulang 28,000 OFWs ang sumailalim sa COVID-19 test pero hindi pa natatanggap ang kanilang resulta.