Aabot ng humigit kumulang 6,000 indibidwal sa probinsya ng Albay ang nawalan ng bahay bunsod ng Super Typhoon Rolly, ayon kay Governor Al Francis Bichara.
Sinabi ni Bichara nitong umaga na totally damaged ang mga bahay sa coastline areas, pati na rin iyong mga malapit sa ilog.
Sa katunayan, hanggang sa ngayon ay mayroon pa rin aniyang mga bahay na lubog pa rin sa tubig-baha kaya ang mga residente ay naninirahan pa rin pansamantala sa mga evacuation centers.
Samantala, wala pa ring supply ng kuryente sa ngayon sa buong probinsya dahil hindi pa rin naaayos ang mga bumagsak na transmission towers sa National Grid Corporation of the Philippines na napinsala bunsod ng Bagyong Rolly.
Pagdating naman sa tubig, sinabi ni Bichara na mayroon pang sapat na supply para sa buong probinsya.