Pinayagan na ng Commission on Higher Education (CHED) ang anim na Higher Education Institutions (HEIs) na magsagawa ng limited face-to-face classes sa gitna ng nagpapatuloy na sitwasyon ng bansa sa coronavirus disease 2019.
Ayon kay CHED chairman Prospero De Vera III, maari nang magsagawa ng limited in-person classes ang University of the Philippines-Manila (UP) at University of Santo Tomas (UST) na kapwa matatagpuan sa Manila; the Our Lady of Fatima University (OLFU) sa Valenzuela; ang University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center (UERM) sa Quezon City; ang Ateneo School of Medicine and Public Health sa Pasig; at ang St. Louis University sa Baguio.
Samantala, sinabi ni De Vera na maglalabas sila ng karagdagang updates patungkol dito sa susunod na linggo hinggil sa mga nagnanais na mag-apply para sa limited face-to-face classes.
Ang mga HEIs na nag-aalok ng medical programs at interesado na magsagawa ng limited face-to-face classes ay pinapayagan na magpadala ng kanilang letters of intent at applications sa CHED.
Ayon kay De Vera, wala namang deadline na itinakda ang CHED para rito.
Pebrero nang maglabas ng Joint Memorandum Circular No. 2021-001 ang CHED at Department of Health na naglalaman ng guidelines para sa gradual resumption ng limited face-to-face classes sa tertiary level.
Nakasaad dito na ang mga estudyante na maaring payagang dumalo sa in-person classes ay iyong enrolled lamang sa degree programs at courses sa Medicine, Nursing, Medical Technology or Medical Laboratory Science, Physical Therapy, Midwifery at Public Health.