CAUAYAN CITY – Dinakip ang anim na kababaihan matapos maaktuhang nagsusugal sa magkahiwalay na operasyon ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station sa Minante 1, Cauayan City kahapon ng dakong alas-4:00 ng hapon.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang mga nahuli sa unang operasyon ay may edad 42, 43, 49-anyos na pawang may asawa at residente ng nasabing barangay.
Nakatanggap ng impormasyon ang nasabing himpilan ng pulisya tungkol sa pagsusugal ng mga pinaghihinalaan ng “tong-its” na agad nilang tinugunan at nagresulta ng pagkakahuli ng mga ito.
Nakuha sa kanilang pag-iingat ang nilalaro nilang baraha at pampusta na P401.
Sa hiwalay na operasyon sa nasabi ring barangay ay may tatlo ring nahuli na kinabibilangan ng dalawang 48 at isang 69-anyos, pare-parehong may asawa at pawang residente ng barangay Minante uno.
Naaktuhan din ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang mga ito na naglalaro ng tong-its nang tugunan nila ang natanggap nilang impormasyon.
Nakuha rin sa lugar ang nilalarong baraha ng mga pinaghihinalaan, isang lamesa, tatlong upuan at bet money na P199.
Dinala na ang mga pinaghihinalaan sa Cauayan City Police Station para sa kaukulang disposisyon.