Nag-iwan ng anim na teroristang patay, habang pito ang sugatan sa panibagong engkuwentro sa Sulu bandang alas-5:35 kahapon ng hapon.
Ayon kay Western Mindanao Command (WesMinCom) spokesperson Col. Gerry Besana, nagsasagawa ng focused military operations ang mga tropa ng 13th Special Forces Company nang makasagupa nito ang nasa 30 miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG).
Ito’y sa pangunguna ni ASG sub-leader Mundi Sawadjaan sa Barangay Igasan, Patikul, Sulu.
Tumagal ng 30 minuto ang bakbakan habang ongoing ang community support activity ng mga sundalo.
Sa panig naman ng militar, lima ang nasugatan at kasalukuyang ginagamot sa Camp Teodulfo Bautista, Jolo, Sulu.
Sinabi ni Col. Besana, kahit sugatan sa unang bugso ng labanan si 2nd Lt. Christian Capiz, ang palatoon leader ng 13th Special Forces Company, nangibabaw pa rin sa opisyal ang pagkabayani nito kung saan sinagip nito ang tatlong bata na na-trap sa gitna ng sagupaan.
“I could have easily withdrawn my troops to a safer position, but I cannot leave behind the trapped and panicking children. So I ordered my men to hold their position and prevent the advance of the ASG at all cost,” mensahe na ipinadala ni 2/Lt. Capiz.
Para kay 1102nd Brigade Commander B/Gen. Peter Angelo Ramos, ang ginawang pag-atake ng teroristang ASG laban sa mga sibilyan ay kawalang-galang sa paniniwala ng Islam kung saan hindi man lamang nirespeto ang Holy Month of Ramadan.
Mariin namang kinondena ni WesMinCom chief lt. Gen. Arnel Dela Vega ang pagsalakay ng bandidong grupo na ikinasawi ng tatlong bata.
“On behalf of the men and women of Westmincom, I would like to personally extend my condolences to the bereaved family of the innocent children who were slain by the terrorists,” wika ni Lt. Gen. Dela Vega.
Tiniyak naman ni Dela Vega na hindi titigil ang militar sa pagtugis sa mga teroristang grupo na nananatiling banta sa seguridad ng komunidad.