Mariing pinabulaanan ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang kumakalat na balita na may nangyayaring kudeta sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Capt. Rigor Pamittan, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID na normal ang lahat sa 5th ID maging sa buong hanay ng AFP.
Wala aniyang katotohanan ang mga kumakalat na balita sa social media na may nagaganap na destabilization plot sa AFP at Philippine National Police.
Aniya, fake news lamang ang mga ito kaya hinihikayat nila ang lahat na iwasang magpakalat ng mga pekeng balita.
Naniniwala naman sila na may taong utak sa pagpapakalat ng mga pekeng balita na ito para sirain ang sandatahang lakas ng Pilipinas.
Ang ginagawang paghahanda ngayon ng PNP ay dahil sa traslacion ng itim na nazareno ngayong araw ng Lunes at sinamantala lamang ito ng mga utak ng naturang pekeng balita.
Sa ngayon, sa kanilang nasasakupan ay wala naman silang nakikitang magiging epekto ng usaping ito subalit hiniling nila sa publiko na maging mapanuri sa mga nakikita sa social media.
Samantala, patuloy ang pagtugis ng mga tropa ng 5th ID sa mga nalalabing miyembro ng New People’s Army (NPA) sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay Capt. Pamittan, wala pa naman silang namomonitor na posibleng magtungo sa nasasakupan ng 5ID ang ibang miyembro ng NPA na nasa ibang lugar para muling palakasin ang kanilang grupo.
Tiniyak niya na hindi ito hahayaang mangyari ng 5th ID.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan nila sa mga opisyal ng barangay para mamonitor kung may mga nangyayaring pangingikil sa kanilang nasasakupan.
Samantala, ngayong 2023 ay puntirya naman nilang maideklarang insurgency free ang Isabela at Cagayan matapos na ideklara ang lalawigan ng Quirino noong nakaraang taon.