Umaapela ngayon ang United Nation sa mga magkalabang faction sa Sudan na payagan ang pagpapadala ng humanitarian relief para maiwasan ang nakaambang banta ng kagutuman sa naturang bansa.
Ayon sa dokumento ng UN, nasa 6 milyong Sudanese ang maaaring makaranas ng kagutuman sa mga susunod na buwan sa gitna ng nagpapatuloy na alitan sa pagitan ng magkalabang mga heneral ng bansa.
Matatandaan na nagsimula ang hidwaan sa pagitan nina Sudanese Army chief Abdel Fattah al-Burhan at kaniyang dating deputy na si Mohamed Hamdan Daglo noong Abril ng nakalipas na taon na kumitil sa libu-libong katao, sumira sa mga imprastruktura at nagpalumpo sa kanilang ekonomiya.
Nagresulta din ito sa humanitarian crisis at acute food shortages kung saan ang Sudan ay nasa bingit ng taggutom.
Sa ngayon, nasa 18 million Sudanese na ang humaharap sa acute food insecurity na naitala sa kasagsagan ng harvest season .
Kung saan halos 730,000 dito ay batang Sudanese kabilang ang mahigit 240,000 sa Darfur na pinaniniwalaang nakakaranas ng matinding malnutrisyon.
Ibinabala din World Food Programme ng UN na posibleng magtrigger ang giyera sa largest hunger crisis sa buong mundo.