ROXAS CITY – Sugatan ang isang 56-anyos na lalaki matapos na saksakin ng sariling kapatid sa Barangay Ilas Norte, Dao, Capiz.

Kinilala ang biktima na si Mariano Escomen ng naturang lugar.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Dao Municipal Police Station natukoy na habang nag-iinuman ang biktima at suspek na si Segundo Escomen 61-anyos ay bigla na lamang nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng dalawa.

Dahil dito, umuwi ang suspek at kumuha ng kutsilyo na ginamit naman sa pagsaksak sa biktima.

Nagtamo ng sugat sa tiyan si Mariano na agad namang dinala sa ospital para bigyan ng kaukulang lunas.

Samantala, boluntaryo naman na sumuko sa mga pulis si Segundo matapos ang insidente.

Pinaniniwalaan naman motibo sa krimen ang dating hidwaan sa pagitan ng suspek at biktima.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente.