ROXAS CITY – Mahaharap sa kasong Rape in relation to RA 7610 ukon “Special Protection of Children against Abuse, Exploitation and Discrimination Act” ang 54-taong gulang na lalaki, matapos itong iuwi sa tinitirhang bahay sa Dueñas Iloilo, ang 15-taong gulang na babae na residente ng isang barangay sa bayan ng President Roxas, Capiz.
Kinilala ang suspek kay Randolph Pedregosa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Alfred De Leon, hepe ng President Roxas MPS, sinabi nito naunang humingi ng tulong ang Ina ng menor de edad dahil hindi na nakauwi ng kanilang bahay matapos pumasok ng paaralan.
Para sa mabilis na pagkakatunton sa kinaruruonan ng dalagita, ikinalat ang larawan nito sa social media.
Hanggang diumano’y nabasa ng nakakilala sa suspek ang nasabing panawagan ng magulang sa menor de edad, at dinala ang dalagita sa mga brgy. officials ng Brgy. Bugtongan, bayan ng Dueñas, lalawigan ng Iloilo, na agad naman ipinaalam ng Dueñas MPS sa mga kapulisan dito sa Capiz.
Sa panayam ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng President Roxas MPS sa biktima, inamin nito na may relasyon sila ng suspek sa loob ng isang taon, na nagkakilala sa social media na Facebook.
Sinasabing nagkita ang mga ito sa lungsod ng Roxas at ipinasyal bago ito dinala ng suspek sa nasabing bayan ng Iloilo.
Tumagal ng apat na araw ang pananatili ng dalagita sa bahay ng suspek at inamin na ginalaw ito ng sinasabing kasintahan niya.
Sa ngayon pinaghahanap na ng otoridad ang suspek matapos itong tumakas ng malaman na nahanap na ang biktima.