Natuklasan ng Commission on Audit (COA) na may kabuuang 54 local government units (LGUs) mula sa ibat ibang bahagi ng bansa ang walang Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (LDRRMO).
Ito ay isang paglabag sa RA 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management System Law.
Batay sa naging report ng COA, ang mga lokal na pamahalaan ay walang ginagamit na opisina habang ang ilan ay hindi kumpleto o walang sapat na kagamitan na magagamit sana sa mga panahon ng kalamidad.
20 sa mga natukoy na LGU ay mula sa Central Visayas, 11 sa CARAGA Region, 6 sa Western Visayas, 6 sa Zamboanga Peninsula, tig- dalawa sa Northern MIndanao, Eastern Visayas, Bicol Region, Calabarzon, at Cordillera Administrative Region, habang isa sa National Capital Region.
Maliban sa mga LGU na walang sariling local disaster office, tinukoy din sa report ng komisyon ang ilang mga lugar na mababa o kinukulang ang bilang ng mga manpower.
Ayon sa komisyon, ang kawalan ng mga opisina, sapat na kagamitan, at kulang na empleyado sa mga ito ay nagiging sanhi ng hindi episyente at hindi epektibong pagbibigay ng serbisyo sa publiko.