-- Advertisements --

Tiniyak ni Pangulaong Ferdinand Marcos Jr. na may sapat na suplay ng langis ang bansa sa loob ng 51 araw, kasabay ng patuloy na hakbang ng pamahalaan upang mapanatili ang sapat na imbentaryo ng fuel sa gitna ng labanan sa Middle East.

Sa mensahe ng Pangulo sa bayan, kaniyang iniulat na umorder na ang Philippine National Oil Company–Exploration Corporation (PNOC-EC) ng 1.04 milyong bariles ng diesel, kung saan 142,000 bariles na ang naideliver ngayong linggo at ang natitira ay inaasahang darating sa buwan ng Abril.

Ayon pa sa Pangulo, naglabas na ang Department of Budget and Management (DBM) ng P20 bilyon para sa pagbili ng hanggang dalawang milyong karagdagang bariles ng langis. 

Aniya, makakadagdag ito ng sampung araw sa buffer stock ng bansa.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na sapat ang suplay ng krudo ng Pilipinas hanggang Hunyo 30 ngayong taon.

Pansamantalang sinuspinde ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang operasyon ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) simula Marso 26. 

Layunin nitong makontrol ang presyo ng kuryente at maiwasan ang biglaang pagtaas nito, habang pinaprayoridad ang mas murang energy sources tulad ng renewable energy.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na patuloy pa rin ang tulong ng pamahalaan sa sektor ng transportasyon at sa mga commuter. 

Kabilang dito ang 50 porsiyentong diskwento sa pasahe sa LRT-2 at MRT-3, programang “Libreng Sakay” sa mga pangunahing lungsod, at pansamantalang diskwento sa toll para sa mga pampublikong sasakyan.

Naglaan din ang gobyerno ng P2.5 bilyon para sa fuel subsidy ng mahigit 1.4 milyong driver at operator, habang higit 256,000 transport workers sa Metro Manila ang nakatanggap na ng P5,000 ayuda. 

May karagdagang P1.28 bilyon pang ipamamahagi para sa mga manggagawa sa sektor ng transportasyon simula sa April 6,20026.

Sa kabuuan, layunin ng mga hakbang na ito na mapanatili ang katatagan ng suplay ng enerhiya at mabawasan ang epekto ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya ng bansa at sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

Dagdag pa ng Pangulo, isasagawa na rin ang nationwide distribution ng karagdagang pondo upang mas marami pang benepisyaryo ang matulungan.

Layunin ng mga hakbang na ito na maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis at iba pang gastusin sa sektor ng transportasyon at sa publiko.