Nasa 500 na mga sundalo mula sa A4 category ang mababakunahan ngayong umaga na gagawin sa grandstand ng General Headquarters sa Camp Aguinaldo.
Kinumpirma naman ni AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana na tapos siyang mabakunahan na kabilang din siya sa nasabing category.
Ang 500 doses ng Sinovac vaccine ang paunang allocation na natanggap ng AFP para sa A4 Category, subalit nasa kabuuang 9,000 doses ng vaccine ang inilaan ng gobyerno at 6,000 naman sa AstraZeneca.
Magugunita na una ng nakatanggap na 70,000 vaccine allocation ang AFP para mabakunahan ang lahat ng kanilang medical frontliners mula sa A1 hanggang A3 category.
Nilinaw ni Sobejana na ang 500 doses na vaccine ay inilaan para lamang sa General Headquarters.
Maghihintay pa sila sa dagdag na allocation para mabakunahan na rin ang mga sundalo mula sa ibat ibang units na nasa A4 category.
Binigyang-diin ni Sobejana na mandatory ang pagbabakuna sa lahat ng mga sundalo, subalit may kalayaan pa rin ang mga ito na mamili sa kung anong bakuna ang nais nila.
Pero sa sandaling naka iskedyul na silang mabakunahan ay kailangan nilang magpabakuna.