-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Hindi naging hadlang ang kinatatakutang Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 para matuloy ang I DO, I DO-Kasalang Bayan na pinakahihintay ng 50 pares na isinagawa kasabay ng Valentines’ Day sa Rose Garden, Burnham Park sa Baguio City.

Ayon sa Pag-IBIG Fund Baguio branch head na si Meriam Pamittan, ang mass wedding ay sponsored ng kanilang ahensiya at ng City Government of Baguio kung saan ngayong taon ay napiling host ang City of Pines.

Aniya, siyam na taon nang isinasagawa ng Pag-IBIG Fund ang kasalang bayan para sa mga kasapi nito.

Ngayong taon ay 1,000 couple ang sabay-sabay na ikinasal sa iba’t ibang venue gaya ng Baguio City, Isabela, Pampanga, Bulacan, Laguna, Bicol, Cebu, Negros Occidental, Cagayan de Oro at Davao.

Nagsilbing officiating officer naman si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa pag-iisang dibdib ng mga couple mula sa iba’t-ibang barangay ng lungsod.

Ipinagkaloob din ng Pag-IBIG ang mga nagamit na wedding amenities gaya ng symbolic wedding cake, singsing, bouquet, pagkain at bridal car, maliban pa sa nagsagawa sila ng raffle draw na nagkaloob ng reward sa mga participating couples habang binalikat ng Baguio-local government unit (LGU) ang venue, decorations at iba pa,

Lubos na saya at pasasalamat naman ang nararamdaman ng mga newly wed na nakibahagi sa kasalang bayan dahil anila,y ito ang pagsisimula ng kanilang magandang pagsasama na magbubunga ng isang matibay at masayang pamilya.