-- Advertisements --

Kinumpirma ng Malacañang na gagamitin na ang 50 porsyento ng mga pampublikong paaralan sa National Capital Region (NCR) bilang pansamantalang quarantine facilities.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ito ang resulta ng negosasyon at napagkasunduan na ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH).

Ayon kay Sec. Roque, ang pagbabalik ng face-to-face classes ay itinakda sa Enero 2021 o sa oras na mayroon ng bakuna o gamot laban sa COVID-19.

“The Palace confirms that 50% of public school classrooms in the National Capital Region (NCR) will be used as temporary quarantine facilities as negotiated and agreed by both the Department of Education and the Department of Health. Resumption of face-to-face classes is set in January 2021, if and when a vaccine and /or medicinal drug is expected to be produced,” ani Sec. Roque.

Una rito, iginiit ng Malacañang na walang magiging epekto sa pagbubukas ng klase ano man ang mga susunod na quarantine classification ng Metro Manila at mga karatig nitong lugar.

Inihayag ni Sec. Roque na ito ay dahil wala namang ipatutupad na face-to-face classes ang pamahalaan.

Blended learning naman daw ang approach na gagamitin ng mga paaralan para sa patuloy na pag-aaral ng mga estudiyante at wala namang ipinag-utos si Pangulong Rodrigo Duterte na ihinto ito.

Magpapatuloy lamang din umano ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24 lalo sa kasalukuyan ay wala rin namang utos si Pangulong Duterte na kanselahin ito.