Nakatanggap ng bagong bangka ang 50 mangingisda mula sa Navotas mula sa tanggapan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Tingog Partylist na pinamumunuan ni Rep. Yedda Romualdez.
Layon ng nasabing inisyatiba na pagandahin ang estado ng pamumuhay ng mga lokal na mangingisda.
Una ng pinatitiyak ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., na unahin ang pamamahagi ng tulong sa mga kababayan natin na hirap sa buhay.
Prayoridad ng Marcos Jr., administration na mabigyan ng maayos at disenteng buhay ang mga mahihirap na Pilipino.
Bukod sa mga bangka, namahagi din ang Office of the Speaker at Tingog ng tig-P5,000 cash assistance sa may 1,000 mangingisdang beneficiaries sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ginanap ang pamimigay ng ayuda sa Navotas Sports Complex kung saan pumunta si Tingog Rep. Yedda Marie K. Romualdez na sinamahan nina Rep. Tobias “Toby” Reynald M. Tiangco, Mayor John Reynald “John Rey” M. Tiangco, Vice-Mayor Tito M. Sanchez, at iba pang lokal na opisyal.
Sa kanyang talumpati, binigyang diin ni Rep. Yedda Romualdez ang kahalagahan ng pagtutulungan at ang kanyang kahandaan, kasama si Speaker Romualdez sa pagtulong sa mga mangingisda.
“Sa ating mga minamahal na mangingisda, kayo po ang tunay na yaman ng Navotas. Sa inyong patuloy na pagsusumikap sa araw-araw, asahan niyo na laging nakaagapay ang Tingog Partylist,” pahayag Rep. Yedda Romualdez.