KORONADAL CITY – Nagresulta sa karambola ng tatlong mga sasakyan ang nangyaring aksidente sa Brgy. Carpenterhill lungsod ng Koronadal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Corporal Fely Bascon, imbestigador ng Koronadal City Traffic Section, sangkot sa nangyaring aksidente ang isang Kia Bongo na may plate number na MAA-1974 na minamaneho ni Cristitito Tapal, 51 kasama ang kanyang asawa at dalawang menor de edad na mga anak.

Sa imbestigasyon, galing ang mga ito sa isang birthday party at pauwi na sana sa kanilang bahay sa Prk. Dumpsite, Brgy. Saravia Koronadal nang kanilang nakasalubong ang Isuzu Crosswind Wagon na may plate number na MAX 450 at minamaneho ni Romeo Salarda, 63 na taga Brgy. GPS, Koronadal na puwi din sana sa kanilang bahay.

Nagsalpukan ang dalawang sasakyan at sumalpok din sa likod na bahagi ng Kia Bongo ang nakasunod na Mindanao Star Bus na nagresulta sa nasabing karambola.

Sugatan si Tapal pati ang asawa at dalawang menor de edad na mga anak nito pati na si Salarda.

Agad dinala sa mga bahay pagamutan ang mga biktima at patuloy pang inoobserbahan ang kanilang mga kalagayan.

Sa ngayon inaalam pa ang totoong dahil sa nasabing aksidente ngunit nilinaw ng Koronadal City Traffic na walang lasing sa mga sangkot sa aksidente.