Sinuspendi ang nasa limang screening officers ng Office for Transportation Security (OTS) matapos na madiskubre sa mga kumalat na video na nagpapakita ng umano’y pangingikil ng pera ng mga ito mula sa mga turistang Thai sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Hindi na pinangalanan pa ang mga kawani ng naturang tanggapan na inilagay sa preventive suspension kasunod ng insidente.
Ayon kay OTS Administrator Ma.O Aplasca ang apat na screening officers ay job order personnel na na-hire noong nakalipas na taon habang ang isa naman ay contractual employee na nagtrabaho sa naturang ahensiya ng limang taon.
Sasampahan ng mga kasong kriminal at administratibo ang nasabing mga kawani.
Nakuhanan sa video ang dalawang empleyado na tila may isinusuksok sa kanilang bulsa matapos ang security checkpoint,
Habang nakuhanan din sa ikalawang video kung saan hinihiling ng Thai tourist sa screening officers na ibalik ang 20,000 yen o P8,000 na kinuha mula sa kaniya.
Ang biktima ay kinilalang si Piyawat Gunlayaprasit, Thai national na nakuhanan ang umano’y pangingikil ng mga personnel ng Office for Transportation Security sa NAIA terminal 2.