MOSCOW – Patay ang limang empleyado ng nuclear agency ng Russia matapos na sumabog ang isang rocket engine habang nagsasagawa ng missile test sa isang military base sa Arkhangelsk region.
Nauna nang sinabi ng Defense Ministry ng Rusia na dalawang katao ang nasawi sa pagsabog noong Huwebes at apat naman ang sugatan, na kinabibilangan ng mga servicemen at civilian engineers.
Hindi naman malinaw pa sa ngayon kung ang limang nasawi na tinutukoy ng Rosatom sa kanilang statement ay bukod pa sa naunang napaulat na namatay.
Bukod sa limang nasawi, sinabi ng Rosatom na tatlo sa kanilang empleyado ang ginagamot sa ngayon matapos masunog.
Nabatid na dahil sa pagsabog, tumaas ang radiation levels ng 20 beses sa kalapit nitong lungsod na Severodvinsk sa loob ng halos kalahating araw.
Nauna na ring sinabi ng defense ministry na walang pagbabago sa radiation levels, subalit kalaunan ay sinalungat din ito ng mga opisyal ng Severodvinsk. (Fox News)