-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nakahanda na ang limang mga paaralan sa Region12 na kabilang sa “pilot implementation” ng limited face to face classes sa darating na Nobyembre 15, 2021.

Ito ang inihayag ni Mr. Anton Maganto, Information Officer ng Department of Education Region 12 (DepEd-12) sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Maganto kabilang sa mga paaralang ito ang Bato Elementary School sa Makilala at Paco National High School sa Kidapawan City, North Cotabato; Ned National High School sa Lake Sebu, South Cotabato; Nelmida Elementary School sa Koronadal City at Aspang Elementary School sa General Santos City.

Dagdag pa nito, kasabay ng nalalapit na petsa ng opisyal na paglulunsad ng face to face classes, abala naman sa ngayon ang nasabing mga paaralan sa paglalagay ng mga markers na mag-mementena ng tamang distansya sa bawat estudyante, mga alcohol at sanitizers na gagamitin pati na rin ang designated washing areas sa mga paaralang papasukan ng mga kabataan.

Saad pa niya, hahatiin rin sa dalawang grupo ang mga qualified learners kung saan magiging alternate ang pagpapapasok sa mga grupo ng mga estudyante sa paaralan at pagsagot sa mga modules.

Sa panayam din ng Bombo Radyo Koronadal kay Ms. Maricel Digu, school head ng Nelmida Elementary School nasa 95% na sila ng kanilang paghahanda at aminado itong malaking hamon para sa kanila na mapabilng sa pilot schools ngunit dahil umano sa suporta ng mga magulang, barangay council, Lgu-Koronadal at iba pang stake holders nagiging magaan para sa kanila ang lahat ng ito.

Sa ngayon, almost all set na ang mga paaralan sa naturang rehiyon na bahagi ng 100 na mga paaralan sa buong bansa na magbubukas sa darating na Lunes, Nobyembre 15 2021 para sa pilot face to face classes.