Limang tao ang nasawi at 92 ang sugatan sa pinakabagong missle attack ng Iran sa Israel nitong Lunes, ayon sa Magen David Adom. Apektado ang apat na lugar sa central Israel. kabilang ang Tel Aviv at Bat Yam.
Maalalang ang pag-ata ay ganti ng Iran sa mga Israeli airstrike na tumama sa mga pasilidad ng nuclear ng Iran. Dahil dito tumugon ang Iran sa pamamagitan ng mga missile barrage at nagbabala ng mas matinding opensiba.
Tumugon naman si Israeli Defense Minister Israel Katz at sinabing magbabayad ng matindi ang mamamayan ng Tehran para sa ginawang pag-atake sa mga sibilyan nito. Una nang sinabi ni Israelie Prime Minister Benjamin Netanyahu na sinasadya umano ng Iran na targetin ang mga inosenteng sibilyan.
Samantala umakyat na sa mahigit isang dosena ang nasawi mula sa natamong Iranian missile strikes simula noong magumpisa ito noong Biyernes.
Sa panig naman ng Iran, iniulat ng kanilang health ministry na 224 na ang nasawi at mahigit 1,200 ang sugatan sa ginawang pag-atake ng Israel.
Samantala, iniulat ng isang opisyal ng US na pinigilan ni US President Donald Trump ang planong pagpaslang ng Israel kay Iranian Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei. Gayunpaman, sinabi ni Trump na minsan kailangang maglaban muna bago magkaroon ng isang kasunduan.
‘sometimes they have to fight it out first,’ ani Trump sa isang interbyu.
Una rito kinansela ng Iran ang planong nuclear talks sa US at nagpatupad ng parusang kamatayan sa isang umano’y ahente ng Mossad. Nagbabala rin ang mga lider ng Iran na hindi na ligtas ang mga teritoryong okupado ng Israel.