DAVAO CITY – Patuloy ngayon na inoobserbahan ang kalagayan ng limang mga mangingisda na ilang araw na nagpalutang-lutang sa karagatan matapos malunod ang kanilang bangka sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Crising sa nakaraang linggo.
Una nang nakilala ang mga mangingisda na sina Yolando Gino, 55; Preceliano Cong, 31; Arnil Sulas, 28; Ronie Gino, 30; Gilbert Castanares, 42, parehong residente ng Sarangani Province.
Base sa report mula Baganga, Davao Oriental papauwi na sana ang mga ito sa Sarangani ng bigla na lamang nasira ang kanilang bangka dahil sa lakas ng alon.
Itinali ng mga ito ang kanilang kamay para hindi sila magkahiwalay habang nakahawak sa kanilang bangka.
Nakahingi ang mga ito ng tulong matapos na may isang bangka na dumaan at agad na inindorso ang mga ito sa lalawigan ng Mati City.
Nakatakda rin na ihatid ang mga ito sa kanilang lugar sa Sarangani Province.