CAUAYAN CITY – Nakitaan ng mga kawani ng Department of Trade and Industry (DTI) sa isinagawa nilang inspeksyon ang limang malalaking establisyemento sa Cauayan City na nagbebenta ng mga sub-standard Christmas Lights.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay DTI Representative and Junior Business Councilor Frichelle Umaguing, sinabi niya na pinatanggal at binigyan ng babala ng Consumer Protection Division (CPD) ng DTI ang mga establisyimento na nakitaan ng mga sub-standard Christmas lights.
Sa isinagawang monitoring ng DTI, nasa limang kilalang establisyimento ang may mga commodities na hindi pasok sa standard ng DTI dahil walang label at walang Philippine Standard (PS) at Import Commodity Clearance (ICC).
Ang PS at ICC ay mahalaga dahil ito ang magiging batayan kung ang nasabing mga produkto na itinitinda sa merkado ay de-kalidad.
Sa ginawang inspeksyon ay marami ring mga appliances katulad ng heater, blender at mini electric fan ang nakitaan na walang tatak o sticker na hindi pasado sa kanilang standard.
Nagbigay paalala ang Consumer Protection Division sa mga nasabing establisyimento na tanggalin ang mga hindi pasok sa DTI Standard na kanilang ibinibenta upang hindi nila kumpiskahin sa mga susunod na isasagawa nilang inspeksyon.
Maliban sa mga inspeksyon sa mga nasabing commodoties nagsawa rin ang DTI ng monitoring sa presyo ng mga Noche Buena items.
Pinayuhan ni Umaguing ang publiko na suriin ang mga bibilhing Noche Buena items maging ang mga appliances at mga palamuti sa pasko upang makaiwas sa sunog.