Nasa limang miyembro ng local terrorists group (LTG) ang boluntaryong sumuko sa militar sa Maguindanao nitong Biyernes, July 17.
Ito ay dahil sa pinalakas na “focused operations and peace mechanisms” ng militar kaya nagbalik-loob sa gobyerno ang mga terorista bitbit ang kanilang mga armas.
Nakilala ang mga sumukong LTG members na sina Kiram Abdullah, a.k.a. Abu Jihad/King Boy/King Alfa; Tong Salik, a.k.a. Kitim; Gublas Sabay Abdullah, a.k.a. Dumlas; Gianid Mindo Abdullah; at Aladin Abdullah.
Sumuko ang nasabing teroristang grupo sa mga tropa ng 1st Mechanized Infantry Brigade headquarters sa Barangay Kamasi, Ampatuan, Maguindanao.
Personal namang tinanggap ni Col. Jesus Rico Atencio, 1MechBde Commander, ang mga sumukong LTG kasama ang mga armas gaya ng tig-iisang Colt M16A1, M653, M1 Carbine, at cal. 50 barret sniper.
Isinuko rin ng mga ito ang isang improvised explosive device (IED) na gawa sa 105HE UXO na may triggering device at samu’t saring mga magazine at ammunitions.
Ayon kay Col. Atencio, si Kiram Abdullah ay dating Field Commander ng local terrorist group na kumikilos sa central Mindanao.
Dagdag pa ng opisyal na ang limang sumukong LTG members ay sangkot sa iba’t ibang armed confrontations laban sa mga tropa ng pamahalaan kabilang na ang huling labanan noong Marso sa Maguindanao.
Pinuri naman ni 6th ID Commander Maj. Gen. Diosdado Carreon ang mga tropa dahil sa kanilang effort at napasuko ng mga ito ang mga teroristang grupo.
Ani Carreon, “My appreciation goes to the local government units, local leaders, and the populace for their untiring support that led to significant breakthroughs in all our campaigns.”
Kasalukuyang nananatili sa kustodiya ng 1MechBde ang grupo ni Kiram para sa debriefing at proper documentation.
Naniniwala naman si Western Mindanao Command Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana na ang sunud-sunod na pagsuko ng mga bandido sa Central Mindanao ay patunay na tagumpay ang operasyon ng militar.
“While we continue our efforts to crumble the remaining emaining terrorists, we endeavor to end Terrorism and bring forth Tourism here in Mindanao, through our operations other than war,” giit ni Lt.Gen. Sobejana.