CAUAYAN CITY – Nagsimula na umanong makipagnegosasyon ang Department of Science and Technology (DOST) sa limang institusyon sa China at Taiwan para sa clinical trial ng bakuna laban sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni DOST Secretary Fortunato Dela Penia na sasali rin sila sa “solidarity trial on vaccine” ng World Health Organization (WHO) ngunit hindi pa inihahayag ang mga susubukang bakuna.
Ayon kay Dela Penia, nagpapatulong sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa pag-facilitate sa paglagda ng mabubuong kasunduan sa pagitan ng China at Taiwan.
Ang DFA ay miyembro ng Technical Working Group on Vaccine.
Sinabi pa ng kalihim na nais nilang makatiyak na makikinabang agad ang Pilipinas kapag naging matagumpay ang partnership sa clinical trial.
Naghahanda na rin ang DOST sa pagtukoy sa mga doktor at ospital na magpapatupad sa clinical trial at kung sino ang mga taong isasailalim sa trial sa bakuna.
Kailangan aniya ng libong tao kapag malawakan na ang clinical trial.
Target nilang maisagawa ito sa 4th quarter na tatagal ng ilang buwan kaya posibleng matapos ito sa kalagitnaan ng 2021.
Samantala, hinggil sa clinical trial ng halamang tawa-tawa at lagundi bilang bakuna laban sa COVID 19, sinabi ng DOST secretary na hinihintay pa nila ang approval ng Food and Drug Administration.