DAVAO CITY – Nasa maayos na ang kalagayan ngayon ng limang healthworkers sa Davao Region na nagpositibo kamakailan sa COVID-19.
Kabilang dito ayon kay Southern Philippine Medical Center (SPMC) chief of hospital Leopoldo Vega ang tatlong doktor mula sa pribadong ospital na nahawaan ng isang pasyente na kanilang tinutulungan.
Kasabay nito ay pinayuhan ni Vega ang mga kapwa frontliners na magdoble ingat sa gitna nang tauspusong pagtulong sa mga nangangailangan sa gitna ng public health crisis dulot ng COVID-19.
Binigyan diin nito na dapat nakasuot palagi ng personal protective gear ang bawat healthworkers sa tuwing mag-aasikaso sa mga persons under investigation upang maiwasan na mahawa sa sakit at maikalat ito sa ibang pasyente.
Samantala, tiniyak naman ni Vega ang suporta para sa mga kapwa health workers tulad nang pagbigay ng sapat na supply ng PPEs, pagkain at matitirhan sa gitna ng kinaharap na krisis.