CENTRAL MINDANAO-Limang mga terorista ang sumuko sa militar sa probinsya ng Cotabato.
Ang mga rebelde ay mga tauhan ni Kumander Karialan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction).
Sumuko ang limang BIFF sa 602nd Infantry (Liberator) Brigade sa Camp Lucero,Barangay Poblacion, Carmen, Cotabato.
Ayon kay Lieutenant Colonel Rommel Mundala, Battalion Commander ng 90th Infantry (Bigkis Lahi) Battalion, ang pagsuko ng mga rebelde ay pinagsamang pagsisikap ng tropa ng pamahalaan, komunidad, at lokal na pamahalaan.
Dala ng limang BIFF sa kanilang pagsuko ang dalawang Garand Rifles, 2 M14 Sniper Rifles,isang 60mm Mortar,mga bala at mga magasin.
Sinabi ni alyas Rodin na ang kanyang grupo ay pagod na sa pakikipaglaban sa gobyerno at pagtakas sa air to ground assault ng militar.
Dagdag ni Colonel Jovencio Gonzales, Commander ng 602nd Brigade na pumayag ang limang BIFF na sumuko sa pamamagitan ng pagsisikap ng local government unit (LGU) at mga opisyal ng 90th Infantry Battalion.
Nananawagan si 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major General Roberto Capulong sa iba pang natitirang miyembro ng BIFF na pagbigyan at yakapin ang mapayapang pamumuhay sa kanilang komunidad.