-- Advertisements --
cidg

BACOLOD CITY – Limang opisyal ng barangay sa Negros Occidental ang karagdagang sinampahan ng kaso kaugnay sa umano’y anomalya sa pamamahagi ng cash aid sa ilalim ng social amelioration program (SAP) dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kahapon isinampa ang kasong paglabag sa R.A. 3019 o Anti-Graft and Corruption Practices at paglabag din sa R.A. 11469 o Bayanihan to Heal As One Act laban sa limang mga opisyal at dalawang empleyado ng Barangay Matab-ang, Talisay City.

Kabilang sa mga kinasuhan ay sina Punong Barangay Manuel Apellido Jr., Barangay Kagawads Erlinda Bruno, Garry Suladares, Ronald Puson at Randy Mananquil.

Kinasuhan din sina Barangay Secretary Janelle Isabelle Legaspi at Barangay Treasurer Evelyn Cabale.

Ayon sa mga complainant, marami pang mga mahihirap sa nasabing barangay ang mas kwalipikado ngunit hindi nakatanggap ng ayuda dahil hindi napabilang sa listahan.

Dahil hindi umano masyadong na-screen ng mga opisyal ang mga residente at mas piniling bigyan ang mga malalapit sa kanila, maraming mga totoong nangangailangan ang hindi nakatanggap ng cash grant.

Maliban sa kasong kriminal, sasampahan din sila ng kasong paglabag sa R.A 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees sa Office of the Ombudsman.