CAGAYAN DE ORO CITY – Humantong na sa prayer rally ng higit 400 pamilya sobra libong residente ang patuloy nila na pakikipaglaban patungkol sa lupain na tinatayuan ng kanilang mga bahay sa loob ng Camp Ediberto Evangelista na headquarters ng 4th Infantry Division ‘Diamond’, Philippine Army sa Barangay Patag,Cagayan de Oro City.
Kaugnay ito sa iginiit nila na sa kanila ang lupain dahil nasa tatlo hanggang limang dekada na umano sila naninirahan kaya walang karapatan ang Armed Forces of the Philippines na palayasin bagkus ay bigyan pa sana ng kaukulang proteksyon.
Nag-uugat ang protesta na sinalihan ng mismong dating mga sundalo at mga kaanak ng mga ito dahil nakaamba na ang April 1 court demolition order upang lisanin ang titled lot numbers 4354 at 4357 sa loob ng kampo.
Subalit sagot naman ni 4ID spokesperson Lt Col Francisco Garello Jr na hindi pa man dumami ang mga residente sa loob ng kampo ay nagsilbi na itong military reservation.
Batay sa inilahad nila na data,taong 1937 pa inilabas ni dating Pangulong Manuel Quezon ang presidential proclamation number 265 upang gawing land reservation magamit ng mga sundalo noong unang panahon.
Inamin rin ni Garello na pansamantalang napunta sa dalawang pamilya ang bahagi ng disputed lands noong 1976 subalit naghain ng civil case ang 4ID kaya pinagwalang bisa ng korte ang pribadong pag-aari pagdating sa 1978.
Subalit lumaban muli ang mga residente hanggang umabot sa Korte Suprema ang kasuhan pero pumanig ito sa 4ID kaya ikinasa ang demolasyon sa Abril 1,2025.