Nakakolekta ang Philippine Coast Guard (PCG) ng humigit-kumulang 400 liters ng oily water mixture sa offshore response nito sa oil spill mula sa lumubog na tanker na MT Princess Empress.
Ang tanker ay may dalang 800,000 litro ng pang-industriyang gasolina nang magkaroon ng problema sa makina at lumubog sa Oriental Mindoro noong Pebrero.
Ayon sa PCG, para sa offshore response, ang Malayan Towage and Salvage Corp. tug boats, M/TUG TITAN 1 at M/TUG CABILAO, ay nag-deploy ng oil spill boom at skimmer nito at nagsagawa ng manual scooping sa lugar upang makuha ang mga nakikitang langis sa karagatan ng Balingawan Point.
Sinabi ng ahensya na mahigit 6.6 kilometers ng baybayin ang nalinis kahapon, na idinagdag sa kabuuang 48.45 kilometro ng dalampasigan na nalinis mula sa 57.77 kilometro ng dalampasigan na naapektuhan simula noong Marso 1 ngayong taon.
Sinabi ng PCG na nakakolekta sila ng 5,963 sako at 22 drums ng oil contaminated debris sa siyam na apektadong barangay sa Naujan, Calapan City, at Pola sa Oriental Mindoro, mula Marso 1 hanggang Mayo 2.