NAGA CITY – Hawak na ng Lopez-Philippine National Police (PNP) ang hindi na pinangalanang suspek sa panggagahasa sa dalagitang anak nito sa nasabing bayan sa Quezon Province.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Pol. Staff/Sgt. Gerlie Paloma ng Lopez-PNP, sinabi nito na nahaharap ang 40-anyos na suspek sa kasong child abuse at rape na non-bailable o walang piyansa.

-- Advertisement --

Una rito, nagtungo ang biktima at ang ina nito sa Lopez-PNP upang ireport ang panghahalay na ginawa mismo ng ama nitong September 19, 2019.

Sa resulta ng isinagawang medical examination, positibo ang 11-anyos na biktima na ito ay ginahasa.

Ayon kay Paloma, unang nagsumbong ang biktima sa kanyang lola dahil nagtatrabaho sa malayong lugar ang kanyang ina.

Aminado naman aniya ang salarin sa kanyang nagawa pero naninindigan ito na gusto rin daw ng biktima ang pangyayari.

Sa ngayon, sumasailalim sa counseling ng Department of Social Welfare and Development ang dalagita.