LEGAZPI CITY – Nananatiling at-large at hindi pa nakikilala ang suspek sa pamamaril sa apat na katao sa Plaza, Brgy. Espinosa, Masbate City.

Nakilala ang mga biktima na sina Melcom Bajar, 37; Eduardo Bajar, 25; Moises Espinas, 28; at Anthony Felizardo, 20 na pawang nagtamo na sugat dahil sa insidente.

-- Advertisement --

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi, nakikipista umano ang apat nang biglang bumunot ng baril ang isang lalaki at ilang ulit na pinaputukan ang mga biktima.

Nabatid na nakainom rin ang suspek nang isagawa ang krimen.

Nagtamo naman ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na agad itinakbo sa ospital habang mabilis na tumakas ang salarin.

Kabilang naman sa mga narekober sa crime scene ang limang basyo ng bala para sa caliber 9mm at tatlong bala na agad itinurn over sa pulisya para sa kaukulang disposisyon.